“DOON PO SA AMIN: DUNONG AT PAMANANG BAYAN SA MGA ESPASYONG URBAN — Unang Pambansang Kumperensya sa Folklore at Intangible Cultural Heritage”

Nalalapit na ang araw ng ating kumperensya!

Handog ng Aliguyon-University of the Philippines Folklorists, Inc., kasama ang Quezon City Local Government, sa pakikipagtulungan ng UP Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), at UP Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP) – Folklore Studies Program, ang “DOON PO SA AMIN: DUNONG AT PAMANANG BAYAN SA MGA ESPASYONG URBAN — Unang Pambansang Kumperensya sa Folklore at Intangible Cultural Heritage”.

Petsa: Nobyembre 19-21, 2026

Venue: Pilar Herrera Hall (Palma Hall), Roxas Avenue, University of the Philippines Diliman, Quezon City

TUNGKOL SA KUMPERENSIYA

Nasaan ang “BAYAN” sa rumaragasang daloy ng modernisasyon at urbanisasyon?

Itinatampok sa kumperensiyang ito ang lugar at bisà ng “BAYAN” sa patuloy nitong paglikha ng kaalaman at karunungan. Mga karunungang nakaugat sa ating kolektibong gunita, kasaysayan, at pamumuhay, na lumilikha ng dinamikong dayalogo sa pagitan ng nakaraan, kasalukuyan, at kinabukasan. Mula sa dayalogong ito, nag-aanyo ang mga dunong-bayan bilang pamana at lunsaran ng pagkakakilanlan at katatagan ng sambayanan.

Layunin ng kumperensiya na siyasatin ang mga batayan ng pagpapatuloy ng dunong at pamanang bayan sa mga espasyong urban. Madarama ang lakas at pintig nito sa mga kuwentong bayan, adaptasyon ng mga katutubong wika sa mga sentrong multikultural, pananatili ng mga sagradong lugar sa mga sekular na siyudad, at dinamismo ng mga ritwal at pagdiriwang. Sumisibol din ito sa mga tradisyon sa pagkain, agrikulturang urban, mga gawi sa ekolohiya, katutubong medisina, at pangangalagang pangkalusugang nagpapatatag sa pamayanan.

Gayumpaman, hindi ligtas ang mga ito sa banta ng komersiyalisasyon, gentrification, at pagpapalayas (displacement) bunsod ng dominanteng paradaym ng pag-unlad. Sa gitna ng mga hamong ito, kinikilala ang mahalagang papel ng mga samahan at iba pang kawing ng ugnayan sa asersiyon ng pagkabayan, mga karapatang lingguwistiko at kultural, at pagbalangkas ng mga patakaran para sa pangangalaga sa kalinangang bayan.

Sa huli, nais kilalanin ng kumperensiyang ito ang lungsod hindi lamang bilang sentro ng mapanirang pagbabago, kundi bilang isang buhay na lunsaran ng dunong-bayan na patuloy na umaangkop at lumalaban para sa makabuluhang kinabukasan.

Lahat ng ito ay matutunghayan, “Doon po sa amin!”

PARA SA MGA APLIKANTE

Naipadala na po namin ang mga liham ng pagtanggap. Para sa mga nagpasa ng abstrak na hindi pa nakatatanggap ng resulta, mangyaring magpadala ng mensahe sa opisyal na email ng kumperensiya: aupfikumperensiya2026@gmail.com

Kita-kits po sa kumperensiya! Inaasahan namin ang inyong pakikibahagi sa makabuluhang talakayan tungkol sa dunong at pamanang bayan sa mga espasyong urban.