Panahon ng Transisyon Tungo sa Bagong Pamunuan

Bilang reiterasyon sa nauna kong pabatid-liham noong nakaraang linggo, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat para sa paglilingkod ng mga opisyal ng kolehiyo sa pamunuan ni Dekano Ruth R. Lusterio-Rico. Mahalaga ang papel na ginampanan at ang naging ambag ng bawat isa sa pagsulong ng kagalingan at kaginhawaan ng kolehiyo sa huling tatlong taon. Halos lahat ng mga opisyal ng kolehiyo ng administrasyon ni Dekano Lusterio-Rico ay nagtapos na ng kanilang panunungkulan noong Oktubre 31, 2026. Kaugnay nito, humiling ako sa kanila na magpatuloy sa kanilang mga posisyon hanggang sa katapusan ng taon.  Layon nito na magkaroon ng maayos na transisyon sa bagong pamunuan. Mahirap sa bagong hirang na mga opisyal na mag-umpisa ng kanilang panunungkulan sa huling dalawang buwan ng kasalukuyang semestre. Makabuluhan din na may “mentoring” para sa mga bagong opisyal bago mag-umpisa ang kanilang panunungkulan sa susunod na semestre. Layon din nito na mapag-usapan at mapagnilayan sa panahon ng transisyon ang mga napagtagumpayan at  hamon ng bawat opisina.

Nais ko ring ipabatid na sina Kawaksing Dekano para  sa Pananaliksik, Ekstensyon at Publikasyon Jake Rom D. Cadag at Philippine Social Sciences Review (PSSR) Editor Samantha Erika N. Mendez ay hindi na magpapatuloy sa kanilang panunungkulan sa panahon ng transisyon mula Nobyembre hanggang Disyembre 2026.  Kaugnay nito, maglilingkod na Tagapamahalang Opisyal ng OADREP sa panahon ng transisyon sina Dr. Diwa Malaya A. Quinones (Nobyembre 3-10) at at Dr. Ma. Liza Ruth A. Ocampo (Nobyembre 11-Disyembre 31). Manunungkulan naman si Dr. Mercedes G. Planta bilang Punong Editor ng PSSR simula ngayong buwan.

Mahalagang gawain sa panahon ng transisyon ang pagsasagawa ng “KAPPmustahan” na   ilulunsad sa susunod na linggo. Layon nito na magpadaloy ng serye ng kumustahan sa iba’t ibang stakeholder ng kolehiyo simula ngayong buwan hanggang Disyembre 2026. Tampok na pambungad na aktibidad kaugnay nito ay ang pagtitipon ng staff, REPS, kontraktwal, security at custodial personnel.  Gaganapin ito sa Lunes, 9 Nobyembre 2026, sa Pilar Herrera Hall sa ganap na 8:30 ng umaga matapos ang nakaiskedyul na flag ceremony sa ganap na 8:15 ng umaga.

Nawa’y makasama ang bawat isa sa pagyabong ng kolehiyo bilang isang lunan ng kaginhawaan, linangan  ng kagalingan at lunsaran ng mga bagong interbensyon. 

Maraming salamat po.